Linggo, Pebrero 27, 2011

“SA PAGKAGAT NG DILIM”

“SA PAGKAGAT NG DILIM”
Balot na balot ng karimlan ang napakalawak na himpapawid. Napakalamlam ng ipinahihiwatig na kapusyawan ng maharlikang mukha ng buwan na nakasabit sa kalangitan, umiinog katulad ng mundo ngunit hindi napapansin ng mga taong nagsisipaglakad sa ganitong disoras ng gabi. Iilang maningning na mga bituin ang masisilayan mula sa malayo, na kung mamamasdang malapitan ay mapatutulala ang kahit sinong hamak dahil sa likha nitong kabigha-bighaning liwanag. Tahimik ang paligid maliban sa panaka-nakang pagharurot ng mangilan-ngilang sasakyan sa lansangan, karamihan ay mga traysikel na pinaaandar ng masisipag na tsuper para sa ikaaahon ng kani-kaniyang pamilya, pandagdag kita upang pantustos sa kani-kaniyang naghihikahos na anak. Ngunit kaunti na lamang ang mga nilalang sa lansangan—isa o dalawang palaboy na gusgusin, mga pagala-galang aso at pusa, atbp.
Pumasok tayo sa isang eskinita na natatanglawan ng isang nakabiting parol ng ilaw-dagitab. Tulad ng inyong nalaman, tahimik ang paligid at walang kung anu-anong alingasngas. Iyan ay dulot ng pagkagat ng isang mapayapang gabi. Luminga-linga tayo sa ating paligid at makatatagpo tayo ng mga simpleng bahay na ang ilan ay gawa sa kahoy, ang iba’y sa semento at bato. Magkakadikit ang mga bahay. Hindi makipot ang ating dinaraanan; gayong maaari ngang makalusot ang isang traysikel sa landas na iyon. Pansinin natin ang isa sa mga bahay sa lugar na iyon: may pundasyon ng kahoy at semento, yero ang bubong, may dalawang palapag, nakadikit sa dalawang magkalapit na kapitbahay, mataas ang unang palapag kaysa sa lupang ating kinatatapakan. Walang tarangkahan ang bahay na ito. Nakapinid ang dalawang bintanang nasa kaliwang bahagi ng pintuan. Kung ating bubuksan ang pinto, makatatagpo tayo ng pangalawang pinto na paloob, ang una ay palabas. Pumanhik tayo ng isang maingat na hakbang at huwag na munang suriin ang sala na ating madadaanan bagkus ay panhikin—sa kabila ng kadiliman na batid natin—ang gawa sa kahoy na hagdan, may sasampung hakbangin patungo sa itaas.
Maririnig natin ang isang ungol. Nanggagaling ito sa loob ng isang silid. Ang paghungos ay hindi tiyak na pagkabagabag, takot, pagkasuklam, paninilakbo ng damdamin o sadyang karaniwan. Sa loob ng isang silid ay natutulog ang isang lalaki, binata sa kaniyang hitsura. Hindi siya mapakali sa kaniyang higaan. Iilang butil ng pawis ang namumuo mula sa kaniyang bumbunan. Maya-maya’y naihulog niya sa sahig ang isang malambot na unang kanina’y kaniyang sinasandalan. Bumibilis ang tibok ng kaniyang puso kaalikbay ng sunod-sunod na buntong-hininga at paghabol dito. Kumunot ang kaniyang noo, hindi siya mapakali—siya ay nananaginip. Hindi ito isang bangungot sapagkat kapagdaka ay namulat ang kaniyang bilugang mata at nasabi sa sarili na “Panaginip lamang.”
Siyang tunay. Umayos sa pagkakaupo ang binata. Halatang nagmumuni sapagkat nakatutula ito sa isang dako. Nawala ang pagkakapako ng kaniyang tingin at minarapat na alalahanin ang kaniyang napanaginipan. Manapa’y hindi pa rin maliwanag sa kaniya ang panaginip ngunit ito ang kaniyang napagtanto:
Siya ay nagbibisikleta sa isang pamilyar na pook, ngunit hindi niya alam kung saan ito. Datapwat, bigla siyang nagtaka. Hindi siya marunong nito pero patuloy pa rin siya sa pagbibisikleta, waring walang iniisip. Siya lamang mag-isa, tumatahak sa isang hindi batid na patutunguhan. Patuloy pa rin siya sa pagpadyak sa pedal, hindi alam kung saan patungo ngunit unti-unting bumagal ang takbo.
Tumigil ang binata at sa isang iglap ay unti-unting dumilim ang paligid. Naaninag niya ang pumapalibot sa kanya. Napagtanto niyang siya ay nasa isang liblib na pook, marahil ay isang probinsya. Maraming puno sa kanyang paligid at mga kung anu-anong baging sa nagmumula sa itaas, gumagapang sa daan o dili kaya’y bumabalot sa mga sanga. Sinubukan niyang maglakad nang bigla siyang mapatid ng isang bato at mabilis na hinablot ng isang malakas at nakapangingilabot na hanging bumaybay sa kaniya. Pagkuwan, napagmasdan niya ang isang maliit na kubo. Madamo ang kagilid-giliran ng daan hanggang sa makalapit siya sa kubong iyon. Sa katahimikan ay kumanlong ang mga nagsipag-ingayang kuliglig. Hindi na maalala ng binata kung naroon pa ba siya ng matanaw mula sa isang hindi gaanong bukas na dungawan ang pangyayari sa loob.
“Handa ka na ba?” tanong ng isang matandang babae.
Sa kanyang harapan ay naroon, nakahiga sa papag, ang isang dalaga na malamang ay dalawampung taong gulang na. Pinagmasdan ng dalaga ang kabuuang ng kubo at namalas ang kung anu-anong uri ng bagay na karaniwang ginagamit ng isang albularyo. Sa isang mesita nakalapag ang isang lamparang napalooban ng nagngangalit na apoy, na nagkataong matiwasay sa gabing iyon (para siguro sa dalaga). Hindi siya nagtungo upang humanap ng lunas para sa isang di-maipaliwanag na karamdaman—sanhi man ito ng pagkakaapak sa mga dwende o ang pagkakatawag sa mga espiritung ligaw. Disin sana’y kung albularyo ang matandang babae—gayong nakagayak siya ng mas malala pa sa isang apotekaryo, maituturing nang hukluban dahil sa katandaan, at sa isang kisapmata ay maaaring himatayin sa lawa habang bitbit ang isang bakol na paglalagyan ng mga kinuhang sari-saring halamang-gamot, damo, at bulaklak sa parang—ay makaaasa tayong mabalitaan ang kaniyang kagila-gilalas na mga ritwal at huni, sa ikaaayos ng kalusugan ng isang nilalang. Napasigaw nang bahagya ang dalaga. Maling pakiwari tungkol sa matanda! Bakit nga ba siya naroon at ano ang kinalaman ng kaniyang pag-iyak sa kabila ng mga daing at pag-iri na atin nang naririnig?
“Handa ka na ba talaga?” muling naitanong ng matandang babae para lamang mabasag ang kawalan ng boses sa paligid. “Huwag kang mag-alala. Matagal ko nang ginagawa ito. Hindi ka dapat matakot dahil sanay na ako. Maging matapang ka nga! Ano’t umiiyak ka pa samantalang ninais mo namang mangyari ito.” Hindi nagawang patapangin ng matanda ang dalaga kaya’t naitanong niyang “Gusto mo bang umatras?” sa isang mababang tono.
Animo’y nakadikit sa isa’t isa ang mga labi ng dalaga kaya’t hindi siya nakatugon, sa halip ay umiling na lamang.
“Mabuti naman dahil handa na ako, ineng.”
Hindi maikaila ng matanda ang nadamang kaba mula sa dalaga. Dahil sa hindi man lamang bumubulalas ng kahit anong pantig ang dalaga ay ikinasiya ng matanda na usisain ito.
“Ayaw ba ng mga magulang mo? O baka naman hindi kayo kasal ng nakabuntis sa iyo? Hindi ka naman siguro ginahasa sapagkat alam ko ang anyo ng—eh—ehem—kaselanan ng isang babae kapag ito ay halos lumuwa na sa pagkakawarat…”
Hindi na nakapagtimpi ang dalaga—hindi siya nagsalita hanggang sa umagaw-aw na ang katinisan ng kaniyang boses.
Wala nang maalala ang binata.
Yumanig sa kaniya ang malamig na hangin gayong nakasarado ang mga bintana sa kaniyang silid. Nakatingin pa rin siya sa kalaliman ng karimlan, humihingal sa kaniyang kaloob-looban at pilit na kinalma ang sarili. Batid niya ang isang paulit-ulit na pakiramdam ng takot at hinagpis na kinahantungan ng gabing iyon. Hinayaan niyang lambungin siya ng hihip ng nakanginginig na hanging patuloy ang pagyao’t parito sa loob ng isa o dalawang minuto. Kung may sapat lamang na ilaw ay matutunghayan ninyo sana, mga mambabasa, ang nakaaawang mukha ng binata. Maya-maya, mula sa dalawang butas ng kaniyang ilong ay umagos dahan-dahan ang hindi sukat malabnaw o malapot na dugo. Napakagat-labi ang binata matapos damhin ang likidong mula sa kaniyang ilong. Kinapa niya ang isang bimpo sa paligid at marahang dinampian ang dugo. Ilang minuto pa ang lumipas bago siya matauhan sa pangyayari ngunit nilamon ng pagkakahimbing ang inakalang bangungot. Ilang sandali lamang ang lumipas at bumagsak siya sa kaniyang higaan at natulog muli.
Sa yaring gabi, habang hinahayaan nating matulog ang binatang nabanggit, dumako tayo sa isang hindi kalayuan pook. Sa taglay nitong kariktan, sa kaayusan ng mga kalat sa paligid, sa mga kabigha-bighaning halaman, bulaklak na gaya ng santan at gumamela, matatayog na punong mangga, niyog, santol, at banaba, mga salungpuwetang parihaba, at sa pagiging angkop nito bilang isang pasyalan, madaling maunawang isa itong parke, na sadyang pinarulan ng iilang mga matitingkad na ilawan. Walang isa mang mamang sorbetero sa paligid, ni walang tindero ng lobo sa kahit saang sulok. Sa mismong tapat ng pook-pasyalan ang isang lumang pook-dasalan na kalimitang tinatawag na Malaking Simbahan dahil sa pagiging malaki nito at sa dami ng taong nagsisimba. Kapansin-pansin ang malalaking kampana sa tore ng simbahan, na aakalaing kinaroroonan pa rin ng batang si Crispin, at, marahil, ng sakristan mayor na umapi at pumaslang sa kaniya. Malapit sa dakong ibaba ng mga kampanang bumabatingaw sa kalaliman ng gabi ay ang isang malaking orasan na may mga tila ginintuang kamay at numero: alas-dos na ng umaga.
Buhay na buhay pa rin ang paligid. Tila isang karaniwang eksena tuwing umaga ang nabubuhay: ang pagkakaiba lamang ay wala sa kaniyang trono ang Haring Araw.
Sa pusod ng parke, o sa isang lugar na hindi masyadong naiilawan, naroon ang isang lalaki. Nakatayo siya sa may bangketa, animo’y may hinihintay ngunit ang katotohona’y mayroong inaabangan. Maayos ang kaniyang gayak: tamo ang magandang hubog ng mukha, katangkarang bagay sa kaniyang alindog, at di-maikakailang karisma. Hindi siya isang menor de edad upang palayasin sa kaniyang kinatatayuan at pauwiin sa kaniyang tirahan. Marahil ay labinsiyam na taong gulang na. Maya’t maya ang kaniyang paglinga-linga sa paligid. Sa kaniyang kaliwa, siyam o sampung metro mula sa kaniya, ay nakaabang din ang isang naninigarilyong lalaki na pakikiwariang mas matanda kaysa sa binata.
Ilang minuto pang nakatindig ang binata; napangiti siya nang dumatal na ang kaniyang kanina pang inaabangan. Sa lansangan ay tumakbo ang isang itim na kotse at habang humaharurot ito ay siya namang pag-aayos ng T-shirt ng binata, na ginaya ng naninigarilyong lalaki. Nang gumawi ang kotse doon sa naninigarilyong lalaki ay bumagal ang pagmamaneho. Napatingin ang naninigarilyong lalaki sa binata, bumuga ng usok at ipinamalas ang isang ngiti at pagkunot ng kilay na hindi pinansin ng huli. Umandar ang sasakyan at huminto sa tapat ng binata. Humigit ang pagkunot ng kilay ng naninigarilyong lalaki na dagling dumistansya. Bumukas nang bahagya ang maitim na salamin ng pinto ng kotse.
“Pwede ka ba?” mabilis na tanong ng maykotse.
Hindi na sumagot pa ang binata. Luminga siya sa kaliwa’t kanan bago maingat na pumasok sa sasakyan. Matapos magkakilanlan at magkakilatisan ng anyo at katawan, walang ano-anong nagsiliparan sa iba’t ibang dako ang mga saplot ng dalawang binata.

2 komento:

  1. ,One of the problem to the stories are the entities in one or two streets, unkempt hobo, the nomadic dogs and cats, etc..

    TumugonBurahin
  2. , most of the inhabitants of Manila was struck out at night

    TumugonBurahin